Thursday, December 05, 2019

Madya, Maduman Kita Sa Kasagkoran

Madya. Maduman kita sa kasagkoran kan dalan na ini sa atubang ta.
Harayo an lakawon alagad hihinguaon tang lakdangan an matarom na mga gapo na boot hadukan an satong mga dapan.
Mahigos tang tatabason an matonok na mga balagon na hinaharangan an satong aagihan.

Madya. Kaputan mo an sakong kamot na nagtatakig sa tahaw nin pagkahandal, ta an dalan sa satong enotan masirom.
Magrani ka sako asin riparohon mo ang tikba kan sakong daghan,
na midbid pa nanggad an ngaran mo sa tahaw kan ngirhat, pagalangan.
Asin hehemateon ko man an toninong mong paghangos na inoosip an napaparang girumdom kan satong pagkamoot.

Madya baya. Sabayan mo akong maglakaw pasiring sa enotan.
Dai kita masalingoy sa kulog o sa sagin-sagin na minsan ta nang inagihan.
Mayo kitang mamangnohon kundi an satong padumanan, na dawa masirom, may diit na paglaom.
Mabagtas kitang toninong pasiring sa poro ta baka lamang marumduman ta giraray kitang duwa asin kun tano kita nagpoon.

-ika-6 ng Disyembre, 2019; Los Banos

Friday, February 15, 2019

Minamahal Kita sa Gitna ng Espasyo

Paano kita minamahal sa gitna ng espasyo? Walang maliw
Ipinipinta ko ang iyong mukha sa hangin na lagi kong kasama
at iniuukit ang iyong mga mata sa dingding ng aking mga alaala.
Ang iyong mga ngiting di nakapagpapatahimik sa aki’y inihuhulma ko sa lupa
habang ang iyong mga tawa nama’y isinisilid ko sa kuwerdas ng biyolin.
Bawat hakbang mo’y iginuguhit ko sa diwang nakatuon lamang sa’yo
at ang iyong mga balikat at braso’y binabalangkas sa isip. Paulit-ulit
Ano kaya’ng pakiramdam na ikulong ang mga ito sa sarili kong bisig
habang nakalapat ang aking mga pisngi sa iyong likod? 
Ang iyong mga pilik-mata’y hinahabi ko sa bawat hibla ng pagkakataong
kasama ka’t di tuwirang matingnan at isinasatitik ang iyong bawat paghinga. 
Tula ang iyong mga salita; minsa’y di maarok ngunit matamis pakinggan.
Ang paggalaw ng iyong mga daliri’y isang pelikulang di pinagsasawaang panoorin.
Paano kita minamahal sa gitna ng espasyo? Patuloy
Pinagmamasdan ko ang mga eksena ng dulang ito na naroon ka
at inaabangan ang tuwing pagaangat at pagbababa ng tabing. 
Ikinukubli sa likod ng telon ang mga nais sabihin habang patuloy kang minamahal
sa gitna ng espasyong lumalawak sa bawat pagpatak ng kamay ng orasan.

-ika-16 ng Pebrero 2019, Los BaƱos


Tuesday, May 15, 2018

Walang Sukat

WALANG SUKAT
Alin ang mas matimbang—
yaon bang mga umagang magising sa katahimikan
o yaong mga gabing mahimlay sa pagkabagabag?
Ang umaga’y may lulang panunumpa
na pawiin ang mga panaghoy at hikbing nagdaan,
hawiin ang mga pagdududa at agam-agam,
at durugin ang sanlaksang mga dahilan upang ‘di na umibig.
Anong hihigit pa sa ningning ng nahihimbing
tuwing sisilayan ng mga palasong liwanag
na umaalpas sa telon ng napakahabang dilim?
O kaya’y sa naiwang ligamgam ng mga paang
pinagtagpo’t pinagniig ng tila ‘di malunasang lamig?
Ngunit ang gabi rin nama’y may pangako
na ikubli sa mga halik ang kasinungalingan,
balutin sa mga yakap ang mga kalituhan,
at kupkupin ang mga humayong katuturan ng pagmamahal.
May hihigit pa ba sa masilayan ang mga matang nakapinid
na walang paglaban o pakikibaka,
sa halip ay pagpapasakop at pagpapaubaya?
At matantong isang haplos lamang ang hangganan ng dalawang kaluluwa
at hangin ang pagitan ng magkabilang labi? 
Kung kaya’t, sadyang alin ang mas matimbang—
yaon bang mga umagang magisnan kang wala
o yaong mga gabing mahimlay sa panaginip kasama ka?
--Ika-15-ng Mayo; Diliman, Lungsod ng Quezon