Wednesday, December 14, 2016

Revelarte a Mi*

* Ihayag mo ikaw sa akin.

Lumapit ka’t huwag magkubli,
sa bulag na yakap ng gabi,
mahapding sulyap, at mariing yapak.
Bigyang-laya ang ngitngit at urat
na namamangka sa iyong mga ugat.
Sumbatan ang pagpapakatotoo’t
libakin ang pagkamatapat.
Malayang pagtawanan ang komedya
     ng mga lihim na damdaming nabunyag.

Titigan mo ako’t kutyain,
     ipaalalang walang hantungan ang paninimdim.
Ipamukha mong ika’y nakahihigit
    at abot-tanaw lang kahit sa panaginip. 
Namnamin ang tagumpay mong lihim,
   na di man sadya’y natamo mula sakin.
Pagpirapirasuhin mo ang galak
  na malasin kang dumaan o humalakhak,
O, kaya’y tuluyan nang kitlin ang hirayang
  ang lipad pa ri’y tungo sa iyo.