Friday, February 15, 2019

Minamahal Kita sa Gitna ng Espasyo

Paano kita minamahal sa gitna ng espasyo? Walang maliw
Ipinipinta ko ang iyong mukha sa hangin na lagi kong kasama
at iniuukit ang iyong mga mata sa dingding ng aking mga alaala.
Ang iyong mga ngiting di nakapagpapatahimik sa aki’y inihuhulma ko sa lupa
habang ang iyong mga tawa nama’y isinisilid ko sa kuwerdas ng biyolin.
Bawat hakbang mo’y iginuguhit ko sa diwang nakatuon lamang sa’yo
at ang iyong mga balikat at braso’y binabalangkas sa isip. Paulit-ulit
Ano kaya’ng pakiramdam na ikulong ang mga ito sa sarili kong bisig
habang nakalapat ang aking mga pisngi sa iyong likod? 
Ang iyong mga pilik-mata’y hinahabi ko sa bawat hibla ng pagkakataong
kasama ka’t di tuwirang matingnan at isinasatitik ang iyong bawat paghinga. 
Tula ang iyong mga salita; minsa’y di maarok ngunit matamis pakinggan.
Ang paggalaw ng iyong mga daliri’y isang pelikulang di pinagsasawaang panoorin.
Paano kita minamahal sa gitna ng espasyo? Patuloy
Pinagmamasdan ko ang mga eksena ng dulang ito na naroon ka
at inaabangan ang tuwing pagaangat at pagbababa ng tabing. 
Ikinukubli sa likod ng telon ang mga nais sabihin habang patuloy kang minamahal
sa gitna ng espasyong lumalawak sa bawat pagpatak ng kamay ng orasan.

-ika-16 ng Pebrero 2019, Los BaƱos